TANZA, Boac – Pormal nang pinasimulan ng Rotaract Club of Lucena South (RACLS)-3820 ang kanilang proyektong tinatawag na “Bamboohayin Muli: A Fusion Exertion to Rehabilitate the Boac River” sa Tanza, Boac.
Ang proyektong ito ay dinaluhan ng mga kabataang lider mula sa Don Luis Hidalgo Memorial School (DLHMS), Marinduque National High School (MNHS) at Marinduque State College (MSC) na kung saan ay nakapagtanim ang mga ito ng 20 kawayan na nagmula sa Department of Health (DOH)-Mimaropa na pinangangalagaan ng MSC.
Layunin ng proyektong ito na mapagtipon-tipon ang mga kabataang lider mula sa mababang paaralan hanggang kolehiyo upang maging tagapanguna na buhayin muli at alagaan ang ilog ng Boac at makapagtanim ng mga kawayan na makatutulong sa pagbabalik-sigla ng ilog.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Ang kawayan na itinanim rito ay tinatawag na Beema bamboo na nagmula pa sa India. Ayon kay DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo Janairo, malaki ang maitutulong ng uri ng kawayan na ito sapagkat nakasisipsip ito ng mga toxin sa hangin, lupa at tubig na iniwan ng Marcopper disaster noong 1996.
Dagdag pa ni Janairo, makatutulong din ito sa komunidad upang makapaghatid ng kabuhayan sa mga mamamayan. Maaari rin umano kasi itong gawing bahay-kasangkapan at ibenta sa merkado kapag napalaki nang maayos ang mga kawayan na itinanim.
Ang pagtatanim ng beema bamboo na ito ay itinuro ni Forester Maria Elena M. Paranaque ng Provincial Environment and Natural Resources Office-Marinduque sa mga mag-aaral at guro.
Naging katuwang din rito ng RACLS ang mga rotaractor ng RAC Marinduque. –Marinduquenews.com