GASAN, Marinduque — Kinilala na ng state prosecutors ang Filipino seafarer na nasawi matapos bumangga ang isang cargo ship sa isang oil tanker habang nasa North Sea, sa hilagang-silangang baybayin ng United Kingdom.
Siya ay si Mark Angelo Pernia, 38-anyos, residente ng Brgy. Pangi, Gasan, Marinduque na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang katawan, ngunit pinaniniwalaan ng mga awtoridad na patay na matapos ang insidente noong Marso 10.
Ayon sa Humberside Police, isinagawa na ng mga awtoridad at coastguard ang malawakang paghahanap, subalit hindi pa rin natatagpuan ang katawan ng biktima.
Base pa sa ulat, huling nakita ang seaman sa bahagi ng barko na nasunog matapos ang isang pagsabog.
Samantala, humarap na sa korte ang kapitan ng barko matapos siyang kasuhan ng gross negligence manslaughter.
Kinilala ang kapitan na si Vladimir Motin, 59-anyos na Russian national at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad. Wala pa siyang inilalahad na plea, at nakatakdang humarap muli sa pagdinig sa London sa Abril 14.
Si Motin ang kapitan ng MV Solong, isang Portuguese-flagged cargo ship kung saan sakay ang Filipino seafarer nang bumangga ito sa naka-angkorahe na Stena Immaculate, isang US-flagged tanker na may dalang jet fuel, dahilan ng agarang sunog at pinsala sa parehong sasakyang pandagat.
Ang Stena Immaculate ay bahagi ng Tanker Security Program ng Estados Unidos, na siyang naglalaan ng suplay ng fuel sa militar ng bansa.
Sa kasalukuyan, ang UK, US, at Portuguese authorities ang nangunguna sa imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng banggaan, pati na rin kung bakit hindi naiwasan ng Solong ang tanker.
Nauna nang sinabi ng UK government na wala silang nakikitang foul play sa insidente. — Marinduquenews.com