BOAC, Marinduque – Samu’t saring mga pagtatanghal at paligsahan ang naging tampok sa pagdiriwang ng sentenaryo ng Marinduque kamakailan.
Umarangkada ang mga makukulay na float, masayang street dancing at parada ng moryon mula sa provincial capitol hanggang sa kabayanan ng Boac.
Tampok sa mga ipinaradang float ang kultura, kasaysayan, kabuhayan at pook-turismo sa Marinduque na nilahukan ng mga pribadong kumpanya, paaralan, at ilang sangay ng pamahalaan.
Sa street dancing naman ay ipinakita ng mga mag-aaral ang iba’t ibang lokal na festival ng anim na bayan ng Marinduque.
Unang nagpamalas ng galing sa pagsayaw sa kalsada ang mga mag-aaral mula sa Buenavista kung saan ay ipinamalas ang Maalindog-Tubaan Festival ng kanilang bayan. Sinundan ng Mogpog kung saan ay ipinakita ang kanilang ipinagmamalaking Kangga Festival.
Sa Moriones Arena ay bumuhos ang native na lechong baboy nang mag-perform ang mga estudyante mula sa Torrijos para kanilang entry na Lechonan Festival. Hindi naman nagpahuli sa galing ang Boac na ipinakita ang makukulay at nagagandahang paro-paro para sa kanilang Bila-Bila Festival. Itinampok naman ng mga taga-Gasan ang kanilang masining na interpretasyon at wagas na pananampalataya sa Poong Maykapal sa pamamagitan ng Gasang Gasang Easter Sunday Festival. At panghuling nagpakitang gilas ay ang mga kalahok mula sa bayan ng Santa Cruz kung saan ay itinanghal ang matagal na nilang tradisyon ng Ati-Atihan Festival.
Sa huli ay kampeon ang bayan ng Mogpog sa nasabing street dancing competition na nagkamit ng isang tropeyo at P100,000. Nakuha naman ng Gasan ang ikalawang pwesto na nag-uwi ng P75,000 samantala nasungkit ng mga mag-aaral mula sa bayan Boac ang ikatlong pwesto na may premyong P50,000.
Ang isang linggong selebrasyon ng sentenaryo ng Marinduque ay nagsimula noong Pebrero 16 at nagtapos noong Pebrero 22. (RAMJR/PIA-Mimaropa)