MAYNILA — Makakatulong para sa Marinduque Provincial Hospital ang karagdagang manpower at oxygen supply sa pagsugpo sa coronavirus disease (COVID-19) sa lugar, ayon sa opisyal ng ospital ngayong Biyernes.
Sinabi ni Dr. Manuel Zaratan, OIC chief of hospital, sa ABS-CBN Teleradyo, pansamantalang nilang sinara ang COVID-19 ward ng naturang ospital sapagkat nagkulang sila sa supply ng oxygen at pagod na ang kanilang mga medical staff.
“Temporary lang po ito. Naka-meeting po kami ngayon, inaayos po namin. After po ng meeting na ‘to, most probably mag-o-open po kami. Mag-i-issue po kami uli ng memorandum na open na po kami uli baka this afternoon o mamayang gabi,” sinabi ni Zaratan sa ABS-CBN Teleradyo.
Aniya, humihingi ang mga nurses ng kapalitan sapagkat ang ilan sa mga ito ay patalon-talon din sa iba’t ibang lugar.
“Inaayos po namin kasi po ‘yung nurses po namin nanghihingi ng relieve … na mapalitan po muna sila para makapagpahinga,” ani Zarathan.
“‘Yun po talaga ang naging problema namin. Talagang wala na po silang pahinga. For the last few days po kasi halos araw-araw naglilipat po kami galing Manila,” dagdag pa niya.
Kwento ng doktor, aabot lamang sa 4 ang pinakamataas na naitalang patay sa COVID-19 simula Enero hanggang Hunyo ngunit umabot ito sa 6 ngayong Hulyo.
“Simula January hanggang June, ang pinakamarami po naming mortalities ay apat. Apat lang po sa isang buwan at may mga buwan kami na wala kaming mortalities pero last month, for the month of July, naka-anim na po kami,” aniya.
Dagdag niya, may ilang mga residente sa lugar na takot magpa-admit at namamatay na lang sa kani-kanilang tahanan dahil takot na ma-label na may COVID-19.
“Marami na rin po sa Marinduque ang namamatay po sa bahay. Ayaw na pong magpatingin kasi nga po baka ma-label sila na COVID,” saad ng doktor.
Dagdag pa niya, mabilis din ang kanilang oxygen consumption at pahirapan ang pagkuha ng supply sapagkat binabiyahe pa ito sa dagat para makarating sa kanila.
“Ang problema po namin talaga sobrang bilis po ng oxygen consumption. Mas mabilis na nauubos kaysa napapalitan kasi po ang oxygen po namin ay galing po sa mainland,” ani Zaratan.
“Hindi po ganoon kadali na kami po ay makakuha. Mas mabilis po kasi mas marami ang gumagamit eh. Bago po dumating ang replenishment, nauubos na [ang supply]. Kasama po sa meeting namin kanina kung paano kami makaka-secure ng maraming oxygen para hindi na po ito mauulit uli,” dagdag pa niya.
Hiling ng doktor na madagdagan pa ang mga medical staff hindi lang sa kanilang ospital pati na rin sa kanilang probinsya para mas maraming matulungan na residente sa lugar.
“Unang-una po, additional manpower po talaga … dito po sa Marinduque maliit lang po itong isla. Lahat naman po ng nurse na kaya naming makuha, ni-try na namin pero wala na po talaga kaming makuhang nurse dito sa amin,” saad ng doktor.
“Kaya kung may available man po kami na nurses dito sa amin, galing po ‘yan sa mainland, sa Lucena, sa Manila o kaya sa Cavite dahil dito po sa amin, wala na po talagang exhausted na po kami. Lahat ng pwedeng mai-hire po namin nakuha na namin. So, kung ganitong nagkakaroon ng COVID lahat po kahit po ang (regional health unit) kahit po ang mga munisipyo, pare-pareha po kami ng problema, manpower din po ang problema,” dagdag pa niya.
Dagdag pa niya, mas maging maagap din sana ang pagpapadala ng medical supplies tulad ng oxygen sa kanila.
“‘Yung mga bagay na mahirap pong makuha rito kagaya po ng oxygen kasi po lahat po nanggagaling sa kabila. ‘Yung suporta po na mabilis po sanang maipadala rito.”
Ayon kay Zaratan, kasalukuyang nagpupulong ang mga opisyal ng probinsya upang maresolba ang mga kinakaharap na usapin sa lugar.
This story was first published on ABSCBN News