BUENAVISTA, Marinduque, Setyembre 25 (PIA) — Sa loob ng anim na buwang pananatili bilang COVID-19 free ng bayan ng Buenavista, naitala rito ang pinaka-unang kaso ng coronavirus disease 2019 ngayong araw.
Ayon sa ulat na Provincial Health Office (PHO), ang pasyente (Marinduque Patient No. 30) ay isang babae, 27 anyos at nagmula sa Barangay Bagacay.
Nagkaroon ito ng direktang pakikisalamuha kina Marinduque Patient No.’s 25 at 26.
Dagdag pa ng PHO, si Marinduque Patient No. 30 ay kinakitaan ng sintomas ng COVID-19 kagaya ng ubo, sipon at pananakit ng dibdib noong Setyembre 17 kaya agad na isinailalim sa swab test.
Sa kasalukuyan, ang pasyente ay naka-confine sa Marinduque Provincial Hospital COVID-19 Ward.
Tatlumpo na ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Marinduque at 12 dito ay aktibo. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)