Violeta Reyes, umatras na sa pagtakbo bilang gobernador

BOAC, Marinduque – Umatras na sa pag­takbo bilang gobernador ng Marinduque si Dr. Ma. Violeta Ongsiako-Reyes.

Ito ang inihayag ng pamilya Reyes nitong Huwebes, Mayo 9 sa pamamagitan ng kanilang Facebook Page na ‘Basta Serbisyo Reyes‘.

Narito ang opisyal na pahayag ng magkapatid at dating kinatawan ng lalawigan na sina Regina Reyes-Mandanas at Edmundo Reyes, Jr.

“Magandang araw po. Itong paliwanag ay patungkol sa pag-withdraw ni Doctora Violeta Reyes bilang kandidato sa pagiging gobernador ng Marinduque.

Sa ngalan po ng kapatid naming si Dra. Reyes at buong pamilya, nais po naming magpasalamat sa lahat ng aming kababayan sa Marinduque para sa suporta at pagmamahal sa pamilyang Reyes, lalo na po sa aming Nanay Carmencita.

Hanggang sa pagkamatay niya, laging inaasahan ni Nanay na sana dumating ang araw na hindi na magaway-away ang mga Reyes at Velasco. Ang kanyang inaasahan ay sana magkaisa na ang lahat ng anak niyang Marinduqueno para sa kabutihan at kaunlaran ng probinsya. Napakasakit na biglang namatay si Nanay na hindi pa niya naabutan ang araw na ito.

Ito ang araw ng pagkakaisa ng buong Marinduque sapagkat ang pamilyang Reyes ay pormal ng nagbibigay daan para magkaisa na ang lahat ng pinakamataas na opisyal sa Marinduque. Maraming, maraming salamat po at binigyan ninyo ng pagkakataon na manungkulan ng sabay ang Governor at Congressman Reyes noong 1998-2007 at 2013-2016.

Tunay na maraming tulong ang naiabot sa probinsya sa mga panahon na iyon sapagkat hindi po nag-away ang Governor at Congressman ng probinsya. Maliit lamang na probinsya ang Marinduque ngunit malaki po ang ating mga problema tulad ng kakulangan ng trabaho at hanap-buhay.

Sa karanasan namin, mas marami ang magagawa ng mga opisyal kung tayo’y magkakaisa. Ito ang dahilan sa kagustuhan ng ating Nanay na magkaisa tayong lahat. Ngayon na nangyari na itong pagkakaisa, ito naman ay inaalay namin sa iyo Nanay Carmencita at sa buong probinsya.

Muli po, maraming-maraming salamat sa tulong, suporta at pagmamahal kay Nanay at sa pamilyang Reyes. Nagkakaisa na tayo para sa kaunlaran at kabutihan!”

Matatandaan rin na bago pumanaw si Nanay Carmencita Reyes noong Enero 7 ay una na nitong iniurong ang kandidatura sa kongreso. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!