MANILA, Philippines (UPDATED) – Si Marinduque Representative Lord Alaan Jay Velasco ang napili ng Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP) – Laban para maging susunod na House Speaker sa 18th Congress.
Si Senator Manny Pacquiao ang nag-anunsiyo nito sa pamamagitan ng video conference mula Los Angeles, umaga ngayong Miyerkules (Manila time).
Kamakailan, ang mga miyembro ng PDP-Laban ay pumirma ng manifesto upang suportahan ang speakership ni Velasco.
Si Velasco ay isa lang sa tatlong mambabatas mula sa partido na nagnanais makuha ang pinakamataas na posisyon sa Kamara sa susunod na Kongreso. Ang ilan sa mga aspirante ay sina Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales at Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez, dati nang naging Speaker.
Makakalaban ni Velasco ang iba pang kandidato sa pagka-Speaker na sina Leyte Representative-elect Martin Romualdez ng Lakas at Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano.
Una nang hiniling ng mga miyembro ng PDP-Laban kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, chairman ng partido, na iendorso ang kanilang kandidato sa pagka-speaker ngunit mas pinili ng Punong Ehekutibo na manatiling tikom ang bibig sa usapin.
Si Pacquiao ang inatasan ni PDP-Laban president Senator Aquilino Pimentel III para mag-anunsiyo ng kandidato ng partido sa speakership. -This story was first published on Remate.ph