BOAC, Marinduque — Kabilang ang mga mangingisda at magsasaka sa probinsya ng Marinduque ang pinagkalooban ng tulong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Puerto Princesa City, Palawan nitong Huwebes, Hulyo 18.
Personal na iniabot ni Presidente Marcos kay Gobernador Presbitero Velasco, Jr. ang cheke na nagkakahalaga ng P39,130,000 na nakalaan para sa mga nasa sektor ng agrikultura at pangisdaan na lubhang naapektuhan ng nagdaang El Niño.
“Mula po mismo sa Tanggapan ng Pangulo, magbibigay po tayo ng tig P10,000 sa ilang mga magsasaka, mangingisda at kanilang mga pamilya na higt na nangangailangan. Sa kabuuan, tayo ay magbibigay ng halos P100 milyon para sa mga benepisyaryo ng lalawigan ng Palawan at ng Marinduque,” pahayag ni Marcos.
Base sa pinakahuling datus, umabot na sa higit P3 bilyon ang nasirang mga pananim, produkto at kabuhayan mula sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ng Mimaropa bunsod ng matinding tagtuyot.
“Hindi lingid sa amin, na matindi ang naging epekto ng nagdaang El Niño sa inyong mga sakahan at palaisdaan kaya’t marapat lamang na paulanan naman namin kayo ng tulong upang makaahon kayo sa pagsubok na pinagdaanan ninyo,” wika pa ng Pangulo.
Bukod dito, ibinalita rin ng Presidente ang iba pang proyekto ng Administrasyong Marcos sa probinsya kagaya ng karagdagang kalsada sa Dr. Damian Reyes Road sa isla na halos kalahati na ang nakumpleto. — Marinduquenews.com