PhilSys registration para sa mga batang edad 1-4, sinimulan na sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Maaari nang iparehistro ang mga batang may edad isa hanggang apat matapos ilunsad ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Marinduque ang opisyal na pagpapasimula sa pagpaparehistro sa mga ito.

Ayon kay PSA Marinduque chief statistical officer Gemma Opis, malaki ang tungkuling gagampanan ng mga magulang at legal na tagapag-alaga para mairehistro ang isang bata kung saan ay kinakailangang samahan ang bawat ipapatalang bata kasabay ang pagpapakita ng sertipiko ng kapanganakan ng bata.

Samantala, kung wala naman ang magulang ay maaaring samahan ng legal na tagapag-alaga ngunit kinakailangang magpakita ng mga karagdagang dokumento, authorization letter at identification card (ID). Mahalaga rin na rehistrado ang magulang o tagapag-alaga sa Philippine Identification System (PhilSys) at mayroong PhilSys Card Number (PCN) upang maikonekta ang datos ng bata sa kanila.

Kinakailangan din ang mga detalye ng demograpiko ng bata kalakip ang larawang nakaharap. Maliban sa mga nabanggit ay wala ng ibang kinakailangan sa pagpaparehistro subalit kinakailangang muling bumisita ang bata sa pinagrehistruhan upang ibigay ang kanilang biometrics pagsapit ng limang taong gulang.

Umabot na sa 453 mga batang may edad isa hanggang apat ang matagumpay na nairehistro ng PhilSys Registration Team sa loob ng isang buwan. Mayroon namang 193,839 na kabuuang bilang ng mga indibidwal na nakakumpleto sa ikalawang hakbang ng pagpaparehistro nitong Marso 11, kasama na ang mga batang nairehistro sa nasabing edad. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!